Pagtuturo ng GMRC, isinusulong na ibalik sa mga curriculum
Hinimok ni Senador Alan Peter Cayetano ang administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., na ibalik ang pagtuturo ng kagandahang asal sa mga eskwelahan.
Ayon sa Senador, napapanahon nang muling turuan ang mga kabataan at ipaalala na itigil na ang pagmumura, kawalan ng paggalang lalo na sa mga babae at mga nakatatanda.
Mahalaga aniya ang pagtuturo ng moral values na tila nakalimutan na ng maraming mga Pilipino.
Naghain na ang Senador ng panukalang batas na isama sa curriculum ng lahat ng eskwelahan ang pagtuturo sa tamang asal at pag- uugali sa kapwa lalo na sa social media.
Nakapaloob rin sa panukala na dapat magsagawa ng mga seminar tungkol sa good manners and right conduct sa lahat ng mga tanggapan ng gobyerno at pribadong sektor.
Naniniwala ang Senador na kung may moral values at may paggalang sa isat isa ang mga Pilipino mas mabilis na makakabangon ang ekonomiya ng bansa.
Meanne Corvera