Pahayag ni Pangulong Duterte na hindi aarestuhin si Senador Trillanes, trap lang umano ng Malakanyang
Naniniwala si Senador Antonio Trillanes na trap lang ng Malacañang ang pahayag ng Pangulo na hindi siya ipaaresto hangga’t walang inilalabas na warrant of arrest laban sa kanya.
Katunayan, sinabi ni Trillanes na batay sa kaniyang natanggap na report, nananatili ang utos ng Pangulo na ipaaresto siya lalo na sa mga sundalo.
Bukod dito, umaabot na aniya sa labindalawa ang mga kaso ang isinampa laban sa kaniya ng Department of Justice ang mga kaalyado ng Pangulo sa Makati RTC at iba pang mga korte.
Pinabulaanan naman ni Trillanes ang mga report na nagrerecruit siya ng mga mistah at mga kaalyado sa militar para magsagawa ng pag-aaklas laban sa gobyerno at guni-guni lamang ito ng palasyo.
Samantala, humingi na ng paumanhin si Trillanes sa liderato ng Senado sa aniya’y perwisyong idinulot ng kaniyang sitwasyon at pagdagsa ng kaniyang mga tagasuporta.
Ulat ni Meanne Corvera