Pahintulot ni Pangulong Duterte sa mga pulis na sangkot sa Parojinog case na nais imbestigahan ng CHR hindi na kailangan ayon sa Malakanyang
Hindi na kailangan ang clearance ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pulis na nakapatay kay Ozamis City Mayor Reynaldo Parojinog Sr. at labing apat na iba pa na nais imbestigahan ng Commission on Human Rights.
Sinabi ni Senior Executive Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra na ang Commission on Human Rights ay isang Constitutional body at independent sa alinmang ahensiya ng pamahalaan
Taliwas ito sa pahayag ni Pangulong Duterte sa kanyang press conference pagkatapos ng kanyang SONA sa Kongreso na hindi hindi niya pinayagan ang mga pulis at sundalo na isailalim sa imbestigasyon ng CHR na walang pormal na kahilingan mula sa Office of the President.
Ayon kay Guevarra ang pahayag ng Pangulo ay bilang Commander in Chief ng AFP at PNP at hindi bilang Chief Executive na kailangan ang pasintabi sa kanya kung iimbestigahan ng CHR ang pulis o sundalo na hinihinalang lumabag sa karapatang pantao.
Inihayag ni Guevarra na alam ng Pangulo bilang isang abogado ang limitasyon ng kanyang kapangyarihan sa ilalim ng saligang batas.
Ginawa ng Malakanyang ang pahayag matapos makarating ang ulat na nais magsagawa ng imbestigasyon ang CHR sa pagkakapatay kay Mayor Parojinog at mga kasama sa raid na isinagawa ng pulisya sa pangunguna ni Ozamis City Police Chief Inspector Jovie Parojinog.
Ulat ni: Vic Somintac