Pakay ng China sa Benham Rise, ipinasasapubliko
Pinatitiyak ni Senador Bam Aquino na pamahalaan na maging bukas sa publiko ang anumang resulta ng scientific research ng China sa Benham Rise.
Ayon kay Aquino, dapat matiyak na walang anumang “secret deals” ang China at ang gobyerno sa naturang eksplorasyon.
Malinaw aniya na ang Benham Rise ay bahagi ng teritoryo ng Pilipinas at hindi kasama sa mga teritoryong inaangkin ng China at inaagaw ng iba pang mga bansa tulad ng Scarborough Shoal sa West Philippine Sea.
Una nang nanawagan ang senador sa Senate Committee on Foreign Relations na magpatawag ng pagdinig para repasuhin ang Foreign Policy direction ng bansa sa pakikitungo nito sa China.
Dapat naman aniyang makipagtulungan ang Malacañang sa imbestigasyon dahil hindi dapat itago kung talagang makikinabang at hindi madedehado ang Pilipinas sa ginawang pagpayag sa scientific research.
Ulat ni Meanne Corvera
=== end ===