Pakikialam ni Pang. Duterte sa kaso ng pagpatay kay dating Albuera Mayor Espinosa, ikinabahala ng mga Senador
Nagbabala ang mga Senador sa umanoy pakikialam ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos bawiin ang relief order laban sa mga pulis ng Leyte na pumatay kay dating Albuera Mayor Rolando Espinosa.
Kasunod ito ng paglalabas ng 34 pahinang committee report kaugnay ng imbestigasyon ng Committee on Public Order ni Senador Panfilo Lacson at Justice Committee ni Sen. Richard Gordon na napatunayang premeditated” ang pagpatay kay Espinosa, at kapwa inmate na si Raul Yap.
Kapwa sinabi sa report nina Lacson at Gordon na napigilan sana ang pagpatay kung ipinatupad ang suspension order laban kay Marcos at mga tauhan ng PNP -CIDG Region 8 isang buwan bago mapatay ang alkalde.
“Ang main conclusion is premeditated ang murder. And may mga recommendations. May mga proposed legislation. Ang iba pending sa committee ang mga bill”. – Sen. Lacson
Lumilitaw na Oct. 15, 2016, nang ipag-utos ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa ang pagsuspinde kay Marcos at mga tauhan nito pero pinigil ni Pangulong Duterte.
Pero sa committee report guilty o sinadya ng grupo ni Marcos na patahimikin si Espinosa para pagtakpan ang kanilang pagkakasangkot sa kalakalan ng iligal na droga, pati na ang pagmamalabis sa kanilang kapangyarihan.
Mariin ding kinondena ng mga komite ang pagpatay kina Espinosa at Yap, dahil bagaman may mga nilabag silang batas, nasa kamay pa rin dapat ng korte ang pagdedesisyon sa kanilang mga kaso.
Sa kabila rin anila ng pag-alis sa ilang karapatan ng mga detenido tulad ng right to privacy, mayroon pa rin naman silang fundamental right to life na nakasaad sa Saligang Batas.
Pinuna rin ng mga senador ang “overwhelming force” na ginamit ng mga otoridad habang nagsisilbi ng search warants kina Espinosa at Yap noong araw na iyon.
Labingwalo ng tauhan ng CIDG ang dinala ni Marcos bukod pa sa anim na miyembro ng Regional Maritime Unit.
Hindi rin tinanggap ng mga senador ang paliwanag ni Marcos kung bakit kailangan nilang gumamit ng ganito kalakas na pwersa, lalo’t hindi naman siya nagpaalam sa kaniyang mga superior na sina Region 8 Director Chief Supt. Elmer Beltajar at CIDG Director Roel Obusan tungkol sa nasabing raid.
Ulat ni: Mean Corvera