PAL planong mag-alok ng direct flight mula Manila hanggang Tel Aviv
Posibleng magkaroon na ng direktang flight sa pagitan ng Pilipinas at Israel.
Ito ang inanunsyo ng Israel Ministry of Tourism kasunod ng pag-uusap ng Israel delegation at ng Philippine Airlines executives.
Planong simulan ng PAL ang nonstop direct flight mula Manila hanggang Tel Aviv sa Oktubre ngayong taon.
Ayon kay Amir Halevi, Director General ng Israel Ministry of Tourism, isang “game changer” para sa turismo at business ang direct flights sa pagitan ng dalawang kabisera.
Inihayag naman ni Israel Ambassador to the Philippines Rafael Harpaz na welcome sa kanila ang pagbubukas ng direct flight sa dalawang bansa na naantala dahil sa pandemya.
Aniya hindi kailangan ng mga Pilipino ng visa pagpunta sa Israel at maraming Israeli ang sabik din na bumisita sa Pilipinas gaya sa Boracay at Palawan na sumisimbolo sa malapit, makasaysayan, at friendly na ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa.
Sa datos ng Ministry of Tourism, bago ang COVID-19 pandemic ay nasa 34,000 Pinoy tourists ang bumiyahe sa Israel noong 2019 na mahigit 30% na pagtaas mula noong 2017.
Moira Encina