Palau unang bansang nagpatibay sa UN high seas treaty
Gumawa ng kasaysayan ang island nation ng Palau, nang maging unang bansa na nagpatibay sa makasaysayang United Nations (UN) treaty para sa proteksiyon ng mga karagatan sa Mundo.
Ang tinatawag na High Seas Treaty ay nabuo ng mga miyembrong estado ng UN noong Hunyo ng nakalipas na taon, pagkatapos ng higit sa 15 taon ng mga talakayan.
Magkakabisa ito makalipas ang 120 araw makaraang pagtibayin ng 60 mga bansa, isang goal na inaasahan ng mga aktibista na maaabot sa 2025.
Ang opisyal na website ng UN na naglilista ng mga internasyonal na kasunduan, ay nagpapakita na niratipikahan na ng Palau ang kasunduan noong Lunes.
Ang high seas ay tinukoy bilang lugar sa karagatan na nagsisimula sa kabilang bahagi ng exclusive economic zones, o 200 nautical miles (370 kilometers) mula sa mga baybayin na sumasaklaw sa halos kalahati ng planeta.
Gayunpaman, matagal na itong hindi binibigyan ng pansin sa mga talakayan tungkol sa kapaligiran.
Ang isang pangunahing bahagi sa kasunduan ay ang kakayahang lumikha ng protected marine areas sa international water, na halos humigit-kumulang isang porsiyento lamang ang protektado na ngayon ng alinmang mga hakbang sa konserbasyon.
Sinabi ni Rebecca Hubbard, direktor ng non-governmental coalition na High Seas Alliance, “Palau’s leaders have demonstrated their nation’s commitment to restoring ocean health so that it can continue to sustain billions of people worldwide and protect us from the worst impacts of climate change.”
Ang kasunduan ay itinuturing na mahalaga upang maabot ang layunin na protektahan ang 30 porsiyento ng mga karagatan at lupain sa mundo pagsapit ng 2030, gaya ng nabuong kasunduan ng mga pamahalaan sa isang hiwalay na makasaysayang treaty sa biodiversity sa Montreal noong 2022.