PHL, nalulugi ng P2-B kada araw dahil sa Covid-19 Pandemic
Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na dahil sa patuloy na pananalasa ng pandemya ng COVID 19 ay lalong bumabagsak ang kabuhayan ng bansa.
Sa kaniyang regular weekly Talk to the People, sinabi ng Pangulo na batay sa pagtaya ng mga Economic Manager, nasa P2 Bilyong piso kada araw ang nawawalang kita ng pamahalaan.
Ayon sa Pangulo hindi lamang Pilipinas ang bumabagsak ang ekonomiya kundi maging ang iba pang mga bansa sa daigdig dahil sa epekto ng COVID- 19 Pandemic.
Inihayag ng Pangulo, hindi nangangahulugan na wala nang magagawa ang gobyerno dahil sinisikap ng economic team ng pamahalaan na ibangon ang kabuhayan ng bansa.
Naniniwala ang Pangulo na ang tanging paraan para tuluyang makabangon ang ekonomiya ng bansa ay ang bakuna laban sa COVID-19 para makontrol na ang Pandemyang dulot ng Coronavirus disease.
Vic Somintac