Pamahalaang bayan ng Bustos, Bulacan naglunsad ng malawakang dissinfection laban sa dengue
Kaalinsabay sa pagpasok ng tag-ulan, unti-unti ring tumaas ang bilang ng mga dinapuan ng sakit na dengue sa bayan ng Bustos, Bulacan.
Kaya naman, agad na ikinasa ni re-elected Bustos Mayor Francis Albert “Skul” Juan ang malawakang dissinfection gamit ang isang mini tanker truck na may kargang tubig na may halong kemikal, para puksain ang mga pesteng lamok na nagdudulot at nagdadala ng sakit na dengue.
Sa ngayon ay nakapagtala ang bayan ng Bustos ng 21 kaso ng dengue, para lamang sa nakaraang buwan ng Abril at inaasahang makapagtatala pa at tataas ang bilang para sa buwan ng Mayo at Hunyo, at maging sa mga susunod pang mga buwan kung hindi ito maaagapan.
Samantala, isang batang edad 5 taon mula sa Barangay Bonga Mayor at isang batang 10 taon gulang mula sa Barangay Malamig, ang binawian ng buhay matapos dapuan ng dengue base sa pahayag ng nurse na si King Herald Caguntas, mula sa Bustos Rural Health Unit.
Kaugnay nito ay kapwa nagpa-alala ang local government unit at rural health unit ng Bustos, na laging mag-ingat sa paraang panatilihing malinis ang paligid, iwasang magsuot ng dark colored na damit at gumamit ng mosquito repellant lotion partikular na sa mga bata, para maiwasan at wag dapuan ng mapaminsalang sakit na dengue.
Report ni Nori Fidel