Pamahalaang panlalawigan ng Misamis Oriental, nakatanggap ng pondo para sa TUPAD program
Bilang bahagi ng recovery program ng Bayanihan to Recover as One Act, nakatanggap ng pondo ang pamahalaang panlalawigan ng Misamis Oriental, para sa Tulong sa Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged / Displaced Worker o TUPAD Program.
Ang pondo na nagkakahalaga ng Php2,376,150.00, ay laan ng Ako Padayon Pilipino Partylist.
Ipamamahagi ito sa 651 mga apektadong manggagawa sa Misamis Oriental, na benepisyaryo ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region 10 sa ilalim ng programa ng TUPAD.
Personal itong itinurn-over ni DOLE-10 Regional Director Albert Gutib kasama si Provincial Director Jose Errol Natividad.
Malugod itong tinanggap ng Pamahalaang Panlalawigan na pinamunuan ni Gobernador Bambi Emano kasama ang Public Employment Service Office Head na si Zorobabel Wabe.
Sinaksihan ito ni Sangguniang Panlalawigan Board Member Saysay Emano, na Tagapangulo ng Committee on Social Services at Shirley Taroy na kinatawan ng Kongresista na si Adriano Ebcas mula sa Ako Padayon Pilipino Partylist.
Ipinaliwanag ni Director Gutib na ang TUPAD ay isang inisyatiba sa ilalim ng pamumuno ni DOLE Secretary Silvestre H. Bello III, bilang ayuda sa mga apektadong manggagawa laluna’t maraming mga establisimyento ang sarado.
Labis naman ang pasasalamat ng ama ng lalawigan sa natanggap na pondo, dahil napakalaki ng maitutulong nito sa Misamisnon na apektado ng pandemya.
Ulat ni Buenaflor Lagumbay