Pamamahagi ng ayuda sa NCR, sisimulan ngayong darating na linggo
Nagpalabas na ng joint guidelines ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang Department of National Defense (DND) para sa pamamahagi ng ayuda sa Metro Manila na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sinabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año na maaari nang simulan ng Local Government Units sa NCR sa kalagitnaan ng darating na linggo ang pamamahagi ng financial assisctance sa ilalim ng Joint Memorandum Circular No. 3, series of 2021 na inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Batay sa guidelines, 1,000 piso kada indibidwal at 4,000 piso naman kada pamilya ang ipamamigay na assistance para sa mga mahihirap na pamilyang apektado ng ECQ.
Binibigyan ng 15 araw ang mga LGU para sa pamamahagi ng ayuda pero posible pa itong ma-extend depende sa request ng LGU.
Ang mga LGU aniya ang mangangasiwa sa pamamahagi ng ayuda habang magsisilbing technical assistance ang DSWD at monitoring naman ang DILG sa distribusyon.
Inatasan din ang Philippine National Police (PNP) para magbigay ng seguridad at mapanatili ang kaayusan sa panahon ng pamamahagi ng ayuda.
Nasa kani-kaniyang LGU na rin ang mandato para lumikha ng kanilang sariling Grievance and Appeals Committee upang maasikaso ang mga reklamo ng kanilang nasasakupan.