Pamamahagi ng Educational Assistance sa Aurora, nagsimula na
Nagsimula nang mamahagi ng tulong para sa edukasyon ang Pamahalaang Panlalawigan ng Aurora, sa pangunguna ni Vice Governor Christian M. Noveras para sa mga mag-aaral na mas nangangailangan ng tulong pinansyal.
Una nang nabigyan ang 96 na estudyante mula sa Lyceum of the East, kasunod ang 172 mag-aaral mula sa Wesleyan University of the Philippines-Aurora, na kapwa nasa bayan ng Maria Aurora.
Layon ng Educational Assistance Program, na makatulong sa mga magulang na walang sapat na kakayahang makapagpa-aral ng kanilang anak, at sa mga estudyante na may sipag at talino.
Nagpasalamat naman ang mga benepisyaryo sa kanilang natanggap na tinugon ni Noveras ng kahilingan, na seryosohin at maging determinado sana ang mga mag-aaral upang sila ay makatapos.
Katuwang ni Noveras sa pamamahagi ng tulong pang-edukasyon sina Bokal Onasis Ronquillo, EA Christine Marie M. Noveras, EA May Anne Castro, Engr. Jaime Gose ( Lyceum of the East) at Dr. Estrella Buenaventura (Wesleyan University Philippines).
Ulat ni Pauline Marie Villamar