Pamamahagi ng fuel subsidy, idadaan na sa mga LGU’s
Idadaan na sa Local Government Units ang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga tsuper at operators ng mga tricycle sa buong bansa.
Batay ito sa kasunduan nina Senador Alan Peter Cayetano at Transportation Secretary Jaime Bautista.
Ang dalawa ay nagpulong nitong weekend para pag-usapan ang problema sa mga tricycle driver na hanggang ngayon hindi pa nakakatanggap ng kanilang ayuda mula sa 2.5 billion pesos na inilaang subsidy ng gobyerno.
Ayon kay Cayetano, bukod sa mataas na presyo ng gasolina, apektado ang mga tsuper ng mataas na inflation o presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Kumpara sa DOTr, may kakahayan aniya ang LGU’s na matukoy ang mga beneficiaries ng pondong ito na dapat matagal nang naipamahagi.
Nauna nang kinastigo ni Cayetano si Bautista sa pagdinig ng Commission on Appointments noong nakaraang linggo matapos nitong amining aabot pa lang sa animnalibong tricycle driver ang nabigyan ng ayuda.
Napakaliit kumpara sa animnaraang libo na kwalipikadong mabigyan ng fuel subsidy batay na rin sa datos ng DILG.
Meanne Corvera