Pambansang Budget para sa 2023, pasado na sa Kamara
Aprubado na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang Fiscal Year 2023 General Appropriations Bill (GAB ) o ang P5.268 trillion na pambansang pondo.
Sa botong 289-yes, 3-no, 0-abstention na inanunsyo ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, pinagtibay ng mga Kongresista ang House Bill 4488.
Matatandaan na “certified as urgent” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukala, kaya naman naipasa ng Kamara sa ikalawa, hanggang ikatlo at huling pagbasa sa loob lamang ng isang araw.
Una rito ay nakalusot ang panukala sa ikalawang pagbasa, “subject to amendments” na aaprubahan ng isang 5-member small committee.
Ang lupon ay binubuo nina Representative Zaldy Co at Stella Quimbo, Chairman at Vice Senior Vice Chairman ng House Appropriations Committee, at sina Majority Leader Manix Dalipe at Minority Leader Marcelino Libanan at sila ang tatanggap ng “individual amendments” para sa panukalang pambansang pondo.
Ang P5.268 trillion na panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon, ang kauna-unahang national budget sa ilalim ng Administrasyong Marcos.
Ito na rin ang itinuturing ngayon na pinakamataas na panukalang pambansang pondo sa kasaysayan ng bansa.
Vic Somintac