Pambansang Kamao Manny Pacquiao, mananatiling champion ng mga Filipino kahit pa natalo kay Yordenis Ugas
Hindi dapat ikahiya ang pagkatalo ni Pambansang Kamao Manny Pacquaio sa WBA Welterweight champion na si Yordenis Ugas.
Ito ang nagkakaisang pahayag ng mga Senador sa kanilang kasamahang si Pacquiao matapos ang huling laban nito kahapon.
Sinabi ni Senador Sonny Angara, ibinigay ni Pacquiao ang kaniyang buong makakaya sa naturang bakbakan.
Para kay Senate President Vicente Sotto III, si Pacquaio ang nananatiling champion na dapat ikarangal ng mga Filipino.
“He is still my champion, he made the Filipino proud!” – SP Sotto
Natalo man ni Ugas si Pacquiao, sinabi ni Senador Ronald Bato Dela Rosa na wala pa ring makatatalo sa kaniyang boxing records at mananatiling legendary champion.
Nagpaabot naman ng pagbati si Senador Aquilino Koko Pimentel sa kapwa Senador.
Wala na aniya itong dapat patunayan dahil sa loob ng 20 taon, ipinakita ni Pacquiao ang kahusayan at katapangan ng mga Filipino sa larangan ng sports.
“Congratulations pa rin sa ating Pambansang Kamao, our national treasure, Sen. Manny Pacquiao for a gallant competitive world championship fight. Pinakita niya ang katapangan at kahusayan ng pusong Pilipino sa larangan ng sports na puede din natin magamit sa ibang aspeto ng buhay. Siyempre congratulations din kay Ugas na ipinakita sa mundo na siya ay isang tunay at deserving na world champion sa kanyang weight division. Salamat Manny sa 20+ years ng pagpapakilala sa galing ng Pilipinas at Pilipino sa buong mundo”.-Sen. Koko Pimentel:
Proud rin si Senador Christopher Bong Go kay Pacquiao na kapwa niya taga-Mindanao.
Ang ipinamalas aniya nitong tapang ay isang inspirasyon sa mga kapwa nito atleta.
“Thank you to my fellow Senator and Mindanaoan, Manny Pacquiao, for putting up a gallant fight against reigning WBA (Super) welterweight champion Yordenis Ugas. Maraming salamat sa ipinamalas mong tapang. Isa kang huwaran na patuloy na nagbibigay ng inspirasyon sa mga kabataang atleta at sa bawat Pilipino”. –Sen Bong Go:
Meanne Corvera / TL