Pambobomba sa Sultan Kudarat, kinundena ng Malakanyang…mga suspek, nais panagutin ni Pangulong Duterte
Kinunkundena ng Malakanyang ang nangyaring insidente ng pagsabog sa Kalawag Tres, Isulan Sultan Kudarat na kung saan, dalawa ang inisyal na naiulat na namatay habang 34 ang nasugatan.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, pinatitiyak mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na mapapanagot ang mga nasa likod ng nangyaring pagpapasabog.
Sinabi ni Roque na gagawin ng pamahalaan ang lahat upang madetermina kung sino ang mga nasa likod ng malagim na insidente at maiparamdam sa mga ito ang lakas ng batas at maparusahan sa kanilang ginawa.
Panawagan ng Malakanyang sa publiko, ipagkatiwala sa gobyerno ang pagpapagana sa sistema ng batas hanggang sa mahuli ang mga may kagagawan ng pambobomba.
Una nang tinukoy ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines o AFP ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF ang nasa likod ng naganap na trahedya na ayon naman kay Roque ay mula pa nuo’y hindi na sang-ayon sa pakikipagkasundo ssa gobyerno kung pag-uusapan ay kapayapaan.
Secretary Harry Roque:
“On the Sultan Kudarat bombing We condemn in the strongest possible terms the bombing in Sultan Kudarat last night. Authorities are now investigating the incident and we vow to bring the perpetrators of this brazen attack to justice. We will apply the full force of the law”.
Ulat ni Vic Somintac