Pamilya Dormitorio gusto ng mas mabigat na parusa sa mga masasangkot sa hazing sa PMA
Nais ng kapatid ng namatay na kadete ng Philippine Military Academy (PMA) na si Darwin Dormitorio, na ipatupad ang one -strike policy sa lahat ng mga kadete o opisyal na masasangkot sa mga hazing sa paaralan.
Ayon kay Dexter Dormitorio, kapatid ni Darwin, hindi dapat na bigyan pa ng ikalawang pagkakataon ang mga umaabuso o sangkot sa grave offenses sa PMA.
Sinabi ni Dormitorio na ipinatutupad sa militar ang mga mahihigpit na regulasyon kaya ang anumang paglabag ay dapat mabigat din.ang parusa para hindi na maulit.
Ikinalungkot din ni Dormitorio ang mabagal na pag-aksyon noon ng PMA sa hazing sa kaniyang kapatid, at ang inisyal na isang taong suspensyon na ipinataw sa mga dawit na kadete.
Nanawagan naman si Dormitorio sa Armed Forces of the Philippines (AFP), na dapat mula taas hanggang baba ang ipatupad na mga reporma at baguhin ang kailangang baguhin na kultura sa PMA o sa militar.
Umaasa naman ang pamilya ng biktima na tuluyan nang mawala ang hazing at iba pang malpractice sa PMA, kasunod ng guilty verdict sa mga kadete na may kinalaman sa pagkamatay ni Darwin.
Moira Encina-Cruz