Pamilya Estrada handang ipabusisi ang bank account ni dating Pangulong Joseph Estrada
Inamin ni Senador Jinggoy Estrada na nasorpresa ang kaniyang pamilya sa desisyon ng Korte Suprema na ituloy ang imbestigasyon sa mga bank accounts ng kaniyang ama na si dating Pangulong Joseph Estrada.
Noong nakaraang linggo, inatasan ng Korte Suprema ang Office of the Ombudsman na muling tingnan ang bank accounts ni Estrada at mga umano’y mistress nito.
Ibinasura rin ng kataas-taasang hukuman ang petisyon ng Philippine National Bank, na dating allied banking corporation na nauna nang kumukwestyon sa ruling ng Ombudsman.
Inatasan kasi ng Ombudsman ang bangko na maglabas ng datos sa mga saving, time deposit, trust at foreign currency deposits na nasa ilalim ng pangalan ng dating Pangulo,Jose Velarde, Laarni Enriquez,Guia Gomez, Joe Melendrez, Peachy Osorio, Rowena Lopez, at Kevin o Kelvin Garcia.
Si Estrada ay nakasuhan noon ng plunder sa Sandiganbayan pero binigyan ito ng pardon sa ilalim ng Arroyo Administration.
Sinabi ni Senador Jinggoy, handa naman nilang ipabusisi ang lahat ng bank accounts ng kaniyang ama at hindi nila haharangin ang anumang imbestigasyon.
Meanne Corvera