Pamilya ng mga political detainees na matatanda at may sakit, umapela sa Korte Suprema na magpalabas ng writ of kalayaan
Muling dumulog sa Korte Suprema ang mga kamag-anak ng mga political prisoners na may sakit, matatanda, buntis at vulnerable na ipag-utos na palayain na ang mga ito ngayong pandemya.
Una nang naghain ng petisyon sa Korte Suprema noong Abril ang pamilya ng mga political detainees.
Pero noong Hulyo ay ibinaba ng Supreme Court ang kaso sa mga trial courts at sinabing closed at terminated na ang petisyon.
Sa kanilang panibagong sulat kay Chief Justice Diosdado Peralta, hiniling ng mga pamilya na magisyu ito ng Writ of Kalayaan gaya ng ipinanukala ni Justice Marvic Leonen sa kanyang dissenting opinion.
Ayon sa kanilang, ang writ of kalayaan ay extraordinary legal remedy na nakabatay sa social justice at humanity para matugunan ang problema sa siksikan na mga kulungan sa harap na rin ng pandemya.
Dismayado ang pamilya ng mga political prisoners nang ipaubaya ng SC sa mga trial courts ang kanilang petisyon dahil sa maghihintay muli sila nang matagal.
Umaasa ang mga petitioners na didinggin ni Peralta ang kanilang apela bago ito magretiro nang maaga sa Marso ng susunod na taon.
Sa desisyon ng SC noong Hulyo, sinabi na itinuturing na application for bail o recognizance ang petisyon ng mga inmates.
Paliwanag pa ng SC kailangang dumaan sa pagdinig ang kahilingan dahil ang mga petitioners ay nahaharap sa mga kasong may katapat na parusang reclusion perpetua o hanggang 40 taong pagkakakulong.
Ipinunto pa ng Korte Suprema na ang trial courts ang proper venue para sa pagdinig ng mga factual questions sa kaso at hindi ang Supreme Court
Moira Encina