Pamilya ng SAF44 dumulog sa Senado para hilingin na buksan ang imbestigasyon sa Mamasapano at ipatawag si dating Pang. Aquino
Hinihiling ng pamilya ng mga pulis na nasawi sa Mamasapano Massacre sa Maguindanao na buksan muli ng Senado ang imbestigasyon sa malagim na insidente.
Nagtungo sa tanggapan ni Senador Richard Gordon ang pamilya ng 11 kasapi ng SAF44 kasama si Atty. Ferdinand Topacio, abogado ng Volunteers Against Crime and Corruption o VACC.
Umaapela sila na buksan muli ang pagdinig dahil hindi pa nabibigyan ng katarungan ang pagkasawi ng 44 na pulis sa Mamasapano Maguindanao na nangyari noong Enero 2015.
Ayon kay Atty. Topacio, gusto ng pamilya ng SAF44 na ipatawag sa Senado si dating Pangulong Noynoy Aquino para maliwanagan kung ano talaga ang naging papel nito at ng best friend niyang si dating PNP Chief Alan Purisima sa malagim na Mamasapano Encounter.
“nung nagpro-probe, nakaupo pa si Pangulong Aquino kaya napakaraming legal repercussions kung siya’y ipapatawag — separation of powers, may immunity as Chief Executive — na ngayon ay wala na”.- Atty. Topacio
Giit ni Topacio pribadong mamamayan na ngayon si PNOY kaya wala nang balakid para ito imbitahin sa Senado.
Lumapit sila kay Gordon na Chairman ng Committee on Justice and Human Rights dahil ito ang may hurisdiksyon sa kaso.
Ulat ni : Mean Corvera