Pamilya ni Ruby Rose Barrameda, iniapela ang pagbasura ng Malabon RTC sa kasong Parricide laban kay Manuel Jimenez; Judge sa kaso, pinag-iinhibit
Naghain ng Urgent Motion for Reconsideration sa Malabon court ang pamilya ni Ruby Rose Barrameda para iapela ang pagbasura sa kasong Parricide laban sa asawa ni Ruby Rose na si Manuel Jimenez III.
Si Ruby Rose ang kapatid ng aktres at beauty queen na si Rochelle Barrameda na napaulat na nawawala noong 2007 at matapos ang dalawang taon ay natagpuan ang bangkay sa sinementong drum na itinapon sa dagat sa Navotas.
Nais ng pamilya Barrameda na isantabi ng hukuman ang desisyon ni Malabon RTC Branch 170 Acting Presiding Judge Edwin Larida Jr. na nagbasura sa parricide case laban kay Jimenez at itakda ang arraignment sa kaso.
Kasabay nito, hiniling din ng pamilya ni Ruby Rose na mag-inhibit sa kaso si Judge Larida.
Batay sa kautusan ng hukom noong Agosto, ibinasura ang kaso laban kay Jimenez dahil sa kawalan ng probable cause.
Inamin ng kapatid ni Ruby Rose na si Rochelle na masama ang loob nila kay Judge Larida dahil sa biglaang pagbasura sa kasong parricide laban kay Jimenez.
Tila binalewala aniya ni Larida ang mga naunang desisyon ng Office of the President, Court of Appeals at Korte Suprema na nagsasabing may probable cause ang isinampang kaso ng prosekusyon laban kina Jimenez.
Napaiyak din sina Rochelle at ang mga magulang niya nang maalala ang sinapit ng kapatid at anak.
Umapila rin ang pamilya Barrameda kina Pangulong Duterte na tulungan silang makamit ang hustisya lalo nat abogado at naging piskal din ito.
Nanawagan din sila kay Justice secretary Menardo Guevarra na mabigyang pansin ang kaso laban sa mga nasa likod ng pagpatay kay Ruby Rose.
Una na ring ibinasura ni Judge Larida ang kaso namang murder laban sa biyenan ni Ruby Rose na si Atty. Manuel Jimenez Jr., at dalawa pang akusado na sina Lennard Spyke Descalso at Norberto Ponce pero hindi na ito inapela ng pamilya Barrameda.
Ulat ni Moira Encina