Pamilya Teves isinangkot sa mga patayan sa Negros Oriental
Direktang itinuro ni Pamplona Mayor Janice Degamo sina Negros Oriental Congressman Arnulfo Teves Jr. at kapatid na si dating Governor Henry Pryde Teves na nasa likod umano ng mga patayan sa lalawigan.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Public Order, pinangalanan ni Degamo sina Kurt Metthew Teves, Axl Teves, Mayor Jack Teves, Raymond at Tmasino ‘Tokoy’ Aledro na umano’y nasa likod ng mga karahasan, harassment at iba pang krimen sa lalawigan.
Pagbubunyag ng alkalde, takot ang mga taga-Negros sa pamilya Teves dahil sa umano’y private army ng mga ito.
Maging ang Philippine National Police (PNP), hukom, prosecutor, abugado, Commission on Elections (COMELEC), Department of Agrarian Reform (DAR) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay hindi aniya makakilos sa mga kaso kapag ang kalaban ay pamilya Teves.
Umapela rin si Mayor Degamo sa publiko na tulungan ang kaniyang probinsya dahil bukod sa krimen, matindi rin aniya ang problema ng lalawigan sa illegal drugs, small town lottery (STL) at e-sabong na umano’y pakana ng mga Teves.
Hindi lang aniya katarungan para sa pagkamatay ng kanyang asawa ang nais niya kundi hustisya para sa mga taga-Negros.
Samantala, umalma si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa paratang na nabayaran siya kaya ipinu-purisge ang imbestigasyon sa kaso ng pagpatay kay Governor Roel Degamo.
Iginiit ni dela Rosa na kailanman ay hindi siya kayang bayaran at hindi siya kailanman naging tuta ng sinuman.
Meanne Corvera