Pamilyang kinidnap ng Abu Sayyaf sa Zamboanga Sibugay, nakalaya na matapos magbayad ng ransom
Isa-isang pinakawalan ng bandidong Abu Sayyaf ang pamilyang bihag ng mga ito mula sa bayan ng Payao sa Zamboanga Sibugay Province.
Pinakahuling pinalaya ng ASG ang pitong taong gulang na si Ricson Rumoc sa bundok ng barangay Anuling sa bayan ng Patikul Sulu matapos matanggap ng bandidong grupo ang tatlong milyong pisong ransom money kapalit ng kalayaan nito.
Agad namang dinala ni Anuling Barangay Captain Ging Hayudini ang pinakawalang bihag sa pamahalaang panlalawigan para sa kaukulang proseso bago maibalik sa kaniyang mga magulang at kaanak sa bayan ng Payao Zamboanga Sibugay.
Matatandaang noong Agosto 16, 2016 nang pasukin ng anim na armadonglalaki na pinaniwalaang miyembro ng Abu Sayyaf ang tahanan ng mga biktima sa Poblacion Payao saka tinangay ang mag-asawang Elmer at Nora Romoc at ang kanilang anak na si Ricson, subalit naunang pinalaya ng ASG ang mag-asawa bago matapos ang 2016.
Ulat ni: Jun Cronico