Pamunuan ng UE, pinagpapaliwanag sa pagtangging sumunod sa Health break para sa mga estudyante
Pinagpapaliwanag ni Manila Mayor Isko Moreno ang pamunuan ng University of the East – Manila dahil sa pagtanggi umanong sumunod sa idineklarang isang linggong health break ng lokal na pamahalaan.
Sa inilabas ng show cause order ng tanggapan ng alkalde, binigyan ng 3 araw ang pamunuan ng UE para magpaliwanag kung bakit hindi dapat maglabas ng ceased and desist order laban sa kanila.
Una rito, nagdeklara ng isang linggong health break si Mayor Isko na magsisimula bukas Enero 14.
Ito ay para mabigyan ng panahong makapagpahinga ang mga guro at estudyante na labis na ring naapektuhan ng patuloy na pagtaas ng Mga kaso ng Covid-19.
Batay sa ulat, iginiit umano ng pamunuan ng UE na walang awtoridad ang local chief executive na magkansela ng klase sa tertiary level.
Sagot naman dito ni Mayor Isko, nasa health emergency ngayon ang bansa dahil sa Covid-19 pandemic.
Malinaw rin aniya ang nakasaad sa local government code of the Philippines na mandato ng local chief executive gaya nya na pangalagaan ang nakararami laban sa banta ng panganib.
Madz Moratillo