Pananagutan ng LTFRB sa nangyaring aksidente sa Dimple bus, aalamin ng Malakanyang
Tiniyak ng Malakanyang na hindi maliligtas sa pananagutan ang Land Transportation Franchising Regulatory Board o LTFRB kapag nagkaroon ito ng kapabayaan sa kanilang trabaho.
Ito ay kung mapatutunayan na mayroon sa mga ito ang nagkulang sa pagtupad ng kanilang responsibilidad sa nangyaring malagim na aksidente sa Dimple Bus sa Sablayan Occidental Mindoro na ikinamatay ng 19 na pasahero at ikinasugat ng 21 iba pa.
Sinabi ni presidential spokesman Harry Roque sa ngayon ay hayaan munang gawin ng mga kinauukulan ang imbestigasyon at hintayin ang resulta nito.
Ayon kay Roque dapat pagtuun ng pansin muna ang pagtulong sa mga naulila ng mga biktima ng malagim na aksidente at ang pagpapagamot sa mga nasugatan.
Inihayag ni Roque mahalagang maayudahan muna ng LTFRB ang mga kaanak ng mga biktima para sa prosesong kailangang pagdaanan para maibigay sa mga ito ang karampatang pinansiyal na tulong na siyang mas kailangan sa ngayon ng mga ito.
Sa mga nakalipas na panahon nagiging kapuna puna na nagsasagawa lamang ng inspeksyon ang LTFRB sa ilang mga kumpanya ng pampasaherong bus kapag may nangyari nang aksidente.
Ulat ni Vic Somintac