Pananatili sa puwesto ni Chief Justice Serreno hindi na makabubuti sa Supreme Court ayon sa Malacañang
Naniniwala ang Malakanyang na hindi na makakabuti sa Korte Suprema bilang institusyon ang pananatili sa puwesto ni Chief Justice Maria Lourdes Serreno.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na malinaw ang mensahe ng 13 justices ng Supreme Court na nagdesisyong puwersahang mag-idefinite leave si Chief Justice Serreno.
Ayon kay Roque noon pa nananawagan ang Malakanyang na mas makakabuting magbitiw na lamang si Chief Justice Serreno subalit nagmatigas ang punong mahistrado.
Inihayag ni Roque hihintayin ng Malakanyang kung ano ang magiging hatol ng kongreso sa impeachment case at sa qou warranto petition na inihain ng Office of the Solicitor General laban kay Serreno.
Mismong si OIC Chief Justice Antonio Carpio ang nagsabi na ang puwersahang iindefinite leave ni Chief Justice Serreno ay naglalayong isalba ang integridad ng Korte Suprema.
Ulat ni Vic Somintac