Panawagan ni dating PRRD na withdrawal of support ng militar kay PBBM, minaliit ng House Committee on Good Government and Public Accountability
Hindi naniniwala ang ilang kongresista na kakagatin ng militar ang hamon ni dating pangulong Rodrigo Duterte, na magwithdraw ng suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na kasalukuyang Commander-in-Chief ng buong Armed Forces of the Philippines.
Tinawag ng mga miyembro ng House Committee on Good Government and Public Accountability na siyang nag-iimbestiga sa Confidential at Intelligence Fund ni Vice President Sara Duterte, na diversionary tactics lamang ang pahayag ni dating pangulong Rodrigo Duterte, na kailangang kumilos ang militar upang maisalba ang bayan sa sinasabing fractured governance ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Sa ginanap na press conference sa kamara, sinabi ni Congressman Jefferson Khonghun na isang diversionary tactics ang ginagawa ng dating pangulo bilang isang ama, para malihis ag isyu sa kaniyang anak na si VP Sara kaugnay nang hindi maipaliwanag na paggastos sa Confidential at Intelligence fund na iniimbestigahan ng kamara.
Inihayag ni Congressman Rodge Guttieres, na hindi dapat bigyan ng mahalagang pansin ang pahayag ng dating pangulo dahil ang militar ay nananatiling sumusunod sa konstitusyon.
Naniniwala rin si House Assistant Majority Leader Congressman Jill Bongalon, na nais lamang ilihis ni dating pangulong Duterte ang isyu na kinakaharap ng kaniyang anak, at hindi akma sa isang naging dating presidente ng bansa na manawagan sa militar na mag-withdraw ng support sa kanilang Commander-in-Chief.
Tinawag naman ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega na lumang tugtugin na ang panawagan ng dating pangulo na withdrawal of support ng militar sa kasalukuyang administrasyon, dahil tatlong beses na itong ipinapanawagan subalit hindi naman pinakikinggan.
Sa pinakahuling press conference ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa Davao City kagabi, ay tinanong niya ang pamunuan ng militar kung patuloy na susuportahan ang drug addict umanong presidente.
Vic Somintac