Panawagan ni Pangulong Duterte sa Kongreso na apurahin na ang Impeachment laban kay Chief Justice Sereno, ipinagtanggol ng Malakanyang
Hindi panghihimasok sa kalayaan ng Kongreso bilang independent body ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na apurahin na ang Impeachment laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang panawagan ng Pangulo ay naka-address sa mga kapartido ng Chief Executive sa PDP Laban bilang party Chairman.
Sagot ito ng Malakanyang sa batikos ng oposisyon na tila dinitiktahan na ng Pangulo ang Kongreso sa kanilang mandato ukol sa Impeachment.
Ang impeachment ni Chief Justice Sereno ay nakabinbin parin sa Kongreso at hindi pa naipapadala sa Senado ang Article of impeachment dahil hindi pa ito napagbobotohan sa plenaryo.
Magugunitang bago umalis ang Pangulo patungong Hainan China para dumalo sa Boao Forum for Asia ay nanawagan ito kay House Speaker Pantaleon Alvarez na paspasan na ang impeachment laban sa punong mahistrado.
Ulat ni Vic Somintac