Panawagan para sa voter registration extension,ibinasura ng Comelec en banc
Hindi na palalawigin ng Commission on Elections ang panahon ng Voter Registration.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, ikinunsidera ng Commission en banc ang timeline sa preparasyon para sa 2022 National and Local Elections.Isa pa aniya sa ikinunsidera ay ang kalusugan at kaligtasan ng mga tauhan ng Comelec sa nagpapatuloy na banta ng Covid 19.
Dahil rito, ang voter registration ay hanggang sa Setyembre 30 nalang ng taong ito.
Pero, inaprubahan naman aniya ng Comelec en banc ang pagpapalawig ng oras ng Voter Registration at ang pagbubukas ng Registration kahit sa araw ng Sabado at holidays.
Inihayag naman ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon, ang oras ng Voter Registration ay hanggang 7pm.
Habang iminungkahi naman aniya ni Comelec Commissioner Marlon Casquejo na gawing 7am ang pagbubukas ng Voter Registration.
Una rito nanawagan ang ilang Senador na palawigin ang Voter Registration hanggang sa Oktubre 31 ng taong ito para maiwasan ang disenfranchisement ng maraming botante dahil sa epekto ng Covid 19 pandemic.
Madz Moratillo