Pang-anim na batch ng mga Dengvaxia complaints, inihain ng PAO sa DOJ
Nadagdagan pa ang mga inihaing reklamo ng Public Attorney’s Office sa DOJ kaugnay sa pagkamatay ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia.
Lulan ng ilang malalaking trak ang ika-anim na batch ng mga reklamo laban sa mga nasa likod ng pagbabakuna ng anti-Dengue vaccine.
Ayon kay PAO Chief Atty. Persida Acosta, kabuuang 101 Dengvaxia complaints ang kasama sa pinakabagong batch na inihain sa DOJ.
Ang mga ito ay kinasasangkutan ng mga batang namatay matapos maturukan ng Dengvaxia habang ang isa ay kaso ng survivor.
Pangunahin sa mga sinampahan ng reklamo sina dating Health Secretary Janette Garin at incumbent Health Secretary Francisco Duque III.
Inireklamo rin ang mga opisyal ng Sanofi Pasteur, Zuellig Pharma, at mga dati at kasalukuyang opisyal ng DOH, FDA, RITM, at Philippine Children’s Medical Center.
Kabilang sa mga isinampang reklamo laban sa mga respondents ay reckless imprudence resulting in homicide sa ilalim ng Article 365 ng Revised Penal Code.
Ipinagharap din ang mga opisyal ng mga paglabag sa Anti-Torture law at Consumer Act of the Philippines.
Moira Encina