Panganib sa kalusugan at ekonomiya dulot ng pagbili ng mga pekeng BT Corn seeds
Panganib sa kalusugan ng publiko at kabuhayan ng mga magsasaka partikular ng mga corn farmers ang hatid ng mga pekeng BT corn seeds.
Sa panayam ng Radyo Agila-DZEC, pinaliwanag ni Mr. Marlo Asis, tagapagsalita ng Alliance for Science Philippine chapter na ang mga original BT corn seeds ay hindi tinatablan ng mga peste kaya tunay na apektado nito ang kabuhayan ng mga magsasaka.
Batay rin aniya sa kanilang pag-aaral, mahgit sampung porsyento umano ng mga BT seeds ay iligal na pino-produce ng mga hindi otorisadong kumpanya.
Sa isa namang survey result noong 2015 nakaranas ng mas mababang ani ang mga magsasaka na gumamit ng mga pekeng binhi.
Ilan sa mga pagkakaiba ng mga mais na ginamitan ng pekeng BT seeds ay mga mais na maliliit ang butil, kulang-kulang ang mga butil.
Payo ni Mr. Asis, bumili ng mga seeds sa mga tama at accredited corn seeds retailer.
“Makipag-ugnayan po sila sa ating mga agricultural extension workers, kasi alam na nila kung saan talaga ang tamang pagkukunan nitong mga bbinhi. may mga kinatawan tayo ng Department of Agriculture sa mga regional field offices, sila ang makapagtuturo kung saan ba dapat bumili ng mga BT corn seeds”.
Samantala, ito naman ang panawagan naman ni Mr. Asis sa mga sumasabotahe sa teknolohiya at sector ng agrikultura na nakasisira sa ekonomiya ng bansa.
“Igalang natin yung ating technology kasi itong teknolohiya na ito ay maganda ang hangarin nito at ito ay upang matulungan ang ating mga kababayang magsasaka at para paunlarin rin ang sektor ng agrikultura”.
===========