Panggigipit ng China sa West PHL Sea may kinalaman sa gas deposit sa Reed Bank – Justice Carpio
Naniniwala si dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na may kaugnayan sa mayamang gas deposits sa Reed Bank o Recto Bank ang mga agresibong hakbang ng China sa West Philippine Sea.
Partikular ang ginawa nitong pambobomba ng tubig sa mga barko ng Philippine Coast Guard at ine-escortan nito na mga chartered boats para maghatid ng supply sa tropang naka-istasyon sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Sa isang interview, sinabi ni Carpio na maituturing na isang “threat” o banta ang ginawa ng China sa Pilipinas para i-intimidate ito at pigilang magpadala ng survey ships sa Reed Bank.
Payo ng dating mahistrado na kailangang suportahan ng Philippine Navy sakali mang magpapadala ng survey at drilling ships sa Reed Bank para sa oil exploration.
Kailangan din aniyang lumahok ang bansa sa mga joint patrols sa Estados Unidos para sa hangarin, dahil ito rin ang ginawa ng Malaysia at Indonesia.
Muling inulit ni Carpio ang payo sa gobyerno na simulang madaliin ang oil exploration sa Reed Bank upang maiwasan ang nagbabantang epekto ng tumataas na presyo ng langis at pagka-ubos ng Malampaya sa ekonomiya ng bansa.
Sinabi ng dating mahistrado na 40% ng energy requirements ng Luzon ay isinu-supply ng Malampaya at kung mauubos ito at hindi magagawa ang misyon sa Reed Bank, mauuwi sa higit na pag-a-angkat ng langis ang bansa na lubhang mahal.
Ang Reed Bank na kilala rin bilang Recto Bank ay nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa na nasa northwest ng Palawan.
Sa 2013 report ng United States Energy Information Administration (USEIA) sinabi nito na may 5.4 bilyong bariles ng langis at 55.1 trillion cubic feet ng natural gas ang Reed Bank.
Weng dela Fuente