Pangulo ng Poland, nagpositibo sa COVID-19
Nagpositibo sa coronavirus ang pangulo ng Poland na si President Andrze Duda.
Sa isang post sa Twitter, sinabi ni Blazej Spychalski, secretary of state na maayos naman ang lagay ng pangulo.
Bagama’t hindi pa malinaw kung kailan nahawaan, si Duda ay dumalo sa isang investment forum sa Tallinn noong Lunes, kung saan nagkita sila ni Bulgarian President Rumen Radev, na kalaunan ay sumailalim din sa quarantine.
Ang Poland ay nagpatupad ng isang “red zone” lockdown nitong Sabado, kabilang na ang partial closure ng primary schools at restaurants.
Ang hakbang ay ginawa matapos makapagtala ang Poland ng panibagong 13, 632 kaso ng coronavirus sa loob lamang ng 24-oras noong Biyernes.
Ang secondary school at university students ay lumipat na sa distance learning noong nakalipas na linggo, habang lahat ng seniors na lampas 70-anyos ay hindi na pinalalabas ng bahay.
Inaayos naman para gawing field hospital para sa Warsaw ang national stadium ng Poland, at nagpapatayo pa ang gobyerno ng pansamantalang medical facilities sa iba pang mga lugar, bunsod na rin ng biglang pagtaas sa bilang ng mga kaso ng COVID-19.
© Agence France-Presse