Pangulong Duterte aminadong maaapektuhan ang mga Pilipino sa Iceland sa oras na putulin ang diplomatic ties ng Pilipinas
Pinagaaralan pang mabuti ni Pangulong Rodrigo Duterte kung nararapat ba talagang putulin na ng Pilipinas ang ugnayan nito sa Iceland kasunod ng paghahain nito ng resolusyon sa United Nations Human Rights Council na nanawagan ng imbestigasyon sa sitwasyon ng drug war sa Pilipinas.
Sinabi ng Pangulo na isinasaalang-alang niya ang kapakanan ng nasa dalawang libong Pilipinong nasa Iceland.
Muli namang nanindigan si Pangulong Duterte na hindi kailanman siya haharap sa international tribunal kaugnay sa mga patakaran na ipinatutupad niya sa Pilipinas.
Ayon sa Pangulo sa korte lang siya ng Pilipinas haharap dahil gumagana naman ang judicial process sa bansa.
Iginiit ng Pangulo kung pilitin siyang sumagot sa international court handa siyang magbigay ng lecture patungkol sa International Law.
Inakusahan din ng Pangulo ang mga tinawag niyang dilawan na nasa likod ng paninira sa kanya sa international community.
Ulat ni Vic Somintac