Pangulong Duterte at MNLF Chairman Nur Misuari nagkausap na sa Malacanang kaugnay ng isyu ng Bangsamoro transition
Kinumpirma ng Malacanang na nagkaroon ng pagpupulong sina Pangulong Rodrigo Duterte at MNLF founding chairman Nur Misuari sa Palasyo.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa media briefing sa Malacanang nagkaroon ng short talk lamang sina Pangulong Duterte at Misuari sa Palasyo na tumagal lamang ng 15 minuto.
Ayon kay Panelo siniguro ni Pangulong Duterte kay Misuari na muli silang mag-uusap sa pagbalik nito sa bansa.
Nakatakdang lumabas ng bansa si Misuari matapos payagan ng Sandiganbayan at maglagak ng 920,000 pesos na travel bond upang makalabas ito ng bansa at dumalo sa OIC meeting.
May ilang miyembro ng MNLF ang hindi natutuwa sa naging 80-man composition ng Bangsamoro Transition Authority dahil ilan lamang na opisyal ng MNLF ang maitatalaga dito.
Nagkaroon narin ng formal transition upang mapalitan ang orihinal na Autonomous Region in Muslim Mindanao patungong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao alinsunod sa itinatadhana ng Bangsamoro Organic Law na inaasahang magbibigay daan sa pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.
Ulat ni Vic Somintac