Pangulong Duterte , binigyan ng bagsak na grado sa mga accomplishment sa kaniyang limang taong panunungkulan sa gobyerno
Naniniwala si Senador Risa Hontiveros na bagsak ang grado na dapat ibigay kay Pangulong Duterte sa limang taon ng kaniyang termino.
Tanong ng senador, nasugpo nga ba ng pangulo ang kurapsyon sa gobyerno, o lalong lang bang lumaganap?
Batay kasi aniya sa report ng Transparency International, nasa pang-115 na ang Pilipinas sa 180 bansa sa buong mundo pagdating sa kurapsyon sa pamahalaan at ilan sa mga appointees mismo ng Pangulo ang nasangkot na nga sa alegasyon ng anomalya, narecycle at umupo pa sa ibang pwesto imbes na kasuhan.
Hanggang ngayon, ang mga nasakote sa pastillas scheme ay pawang mga foot soldiers lamang habang hindi naparusahan ang mga big fish.
Sa isyu ng kahirapan, sinabi ng Senador na lalo pa itong lumala ngayong may nararanasang pandemya.
Batay aniya sa pag-aaral ng Social Weather Stations, may 4.2 milyong pamilya sa bansa ang nagugutom habang mahigit tatlong milyon pa ang nawalan ng trabaho.
Napako rin aniya ang pangako ng Pangulo na titindig ito laban sa China sa usapin ng West philippine sea.
Sana raw marinig sa huling SONA ng Pangulo ang magiging huling kumpas nito sa pagmamalabis ng China sa mga Pilipinong mangingisda at sa paninira sa likas yaman ng bansa.
Meanne Corvera