Pangulong Duterte, gagamitin ang Executive power para maibalik ang kaso sa mga Drug Lord
Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na maibabalik ang kasong Drug trafficking na dinismiss ng Department of Justice National Prosecutors Service o DOJ-NPS laban sa mga bigtime Drug lord na sina Kerwin Espinosa, Peter Lim at Peter Co.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na handang gamitin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang executive power o supervision and control para matiyak na hindi makakalusot sa kaso sina Espinosa, Lim at Co.
Ayon kay Roque personal na sinabihan ng Pangulo sa ipinatawag na command conference sa Malakanyang si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na siya ang ipapalit sa kulungan kapag nakalusot sa kaso sina Espinosa, Lim at Co.
Inihayag ni Roque dismayado ang Pangulo sa ginawang dismissal ng DOJ NPS sa kaso nina Espinosa, Lim at Co na may kaugnayan sa operasyon ng ilegal na droga.
Niliwanag ni Roque nais makasiguro ng Pangulo na madidiin sa kaso sina Espinosa, Lim at Co kahit isinasailalim na sa pagrepaso ni Justice Secretary Aguirre ang dismissal order ng NPS.
Ulat ni Vic Somintac