Pangulong Duterte, gustong buhusan ng kape si dating DFA Sec. Albert del Rosario
Uminit ang ulo ni Pangulong Duterte bago matapos ang kanyang cabinet meeting sa Malacañang kagabi, at nasabi pa nitong bubuhusan niya ng kape si Dating DFA Secretary Albert del Rosario kapag nagkita sila nito.
“I want to see you personally. Where can I meet you? Saan ka ba nagkakape-kape? Ibuhos ko yang kape sa mukha mo, maniwala ka. Hindi ka maniwala? Subukan mo,” ang sabi ni Pangulong Duterte.
Ito’y matapos isumbong ni Presidential Legal Counsel Salvador Panelo sa Pangulo na ipinagkakalat umano ni del Rosario na tumanggap si Duterte ng tulong mula sa China bilang suporta sa kanyang kandidatura noong 2016 Presidential elections.
“Siya po ay nagpapalipad ng akusasyon at lumilikha ng intriga ng kasinungalingan laban sa inyo kaugnay ng inyong pagkapanalo noong nakaraang halalan noong 2016. Sang-ayon po sa kanya, siya’y nakatanggap ng impormasyon kung saan iyon daw pong halalan noong 2016 ay nagkaroon ng pagtulong at pagtanggap naman ng tulong, ng suporta sa inyong pagkandidato galing sa dayuhan”, pahayag ni Panelo.
Dagdag pa ni Panelo, “ang layunin po ni del Rosario ay mantsahan ang inyo pong pagkapanalo noong 2016 at ilarawan na kayo po ay lumabag sa Saligang Batas.”
Mariin naman itong itinanggi ni Pangulong Duterte. Pinagdudahan rin nito ang pagiging Filipino ni del Rosario.
“Daldal ka ng daldal diyan. Anong China-china mag-tulong sa akin? Ga#* ka saan mo nakuha yan? 16 million (votes) makuha mo ng tulong sa ibang bayan, mabili mo? Tingnan mo nga yang mukha mo. Are you a Filipino? – pahayag ng Pangulo.
Sinabi pa ng Pangulo na si del Rosario ang pinaghinihinalaang nag-leak sa Amerika ng mahahalagang impormasyon patungkol sa isyu ng renewal ng Visiting Forces Agreement noon at kung mapapatunayan ay ipaghaharap niya ito ng patung-patong na mga kaso.
“We are still investigating it. Pero ikaw Alberto, pag nasilip ko lang na mayroon ka, I will charge you, marami akong idedemanda sayo”, ayon pa kay Pangulong Duterte.