Pangulong Duterte , hindi aalisin si DOH secretary Francisco Duque III kaugnay ng 67 Billion COVID-19 funds na hinahanap ng COA
Muling ipinagtanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte si Department of Health o DOH Secretary Francisco Duque III kaugnay ng 67 bilyong pisong pondo ng pamahalaan sa paglaban sa COVID 19 na hinahanap ng Commission on Audit o COA.
Sinabi ng Pangulo na naniniwala siyang walang ginawang masama si Secretary Duque lalo na sa isyu ng pagnanakaw sa pondo ng gobyerno.
Ayon sa Pangulo kahit magsumite ng resignation si Duque ay hindi niya ito tatanggapin.
Inihayag ng Pangulo malaki ang tiwala niya sa mga cabinet officials na hindi magnanakaw sa kaban ng bayan.
Iginiit ng Pangulo na nagkakaroon talaga ng problema sa auditing ng COA dahil may mga papeles at dokumento na hindi agad naisusumite subalit naipapaliwanag din ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan.
Dahil dito umapela ang Pangulo sa COA na bago maglabas ng report ay hintayin muna ang mga dokumento dahil lumalabas na nagkaroon na ng anomalya sa paggastos sa pondo ng pamahalaan.
Batay sa COA report mayroong 67 bilyong pisong pondo ng DOH na para sa COVID-19 ang hindi pa accounted.
Vic Somintac