Pangulong Duterte hindi ipapakita sa publiko kung magpapabakuna laban sa COVID- 19 ayon sa Malakanyang
Handa parin si Pangulong Rodrigo Duterte na unang sumalang sa bakuna laban sa COVID 19.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque sinabi mismo ni Pangulong Duterte na magpapabakuna siya sa sandaling available na ang anti COVID 19 vaccine sa bansa.
Sinabi ni Roque na hindi ipapakita sa publiko ang pagsasagawa ng bakuna sa Pangulo.
Inihayag ni Roque gaya ng ginawang pagbabakuna kina Queen Elizabeth II at Prince Philip ng England na ginawang pribado ang vaccine administration.
Tiniyak ni Roque na magkakaroon ng announcement ang Malakanyang kung tapos nang bakunahan ang Pangulo.
Magugunitang naging pabago-bago ang pahayag ng Pangulo kaugnay ng pagbabakuna laban sa COVID 19.
Inaasahan naman ng gobyerno na darating sa bansa ang unang anti COVID 19 vaccine sa unang linggo ng buwan ng Pebrero.
Vic Somintac