Pangulong Duterte hindi na maglalabas ng Executive Order kontra sa Endo
Wala ng ilalabas na Executive order si Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng end of contract o endo sa mga manggagawa.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque nagkaroon ng rekomendasyon si Labor secretary Silvestre Bello III kay Pangulong Duterte na huwag ng maglabas ng executive order kontra sa endo.
Ayon kay Roque inirekomenda ni Secretary Bello sa pangulo na ipaubaya na lamang sa Kongreso ang pagpapatibay ng batas para mawakasan na ang endo sa mga manggagawa.
Inihayag ni Roque niliwanag din ng Department of Trade and Industry o DTI sa Pangulo na ang ituturing lamang na endo ay yung mga empleyado na kada limang buwan ay tinatanggal tinatapos ang kontrata samantalang ang mga kompanya na kumukuha ng tauhan sa manpower service companies ay kontraktuwal ang magiging kategorya dahil sila ay itinuturing na regular employees ng mga service companies.
Magugunitang ipinalutang ng Trade Union Congress of the Philippines o TUCP na lalagdaan ni Pangulong Duterte ang Executive order para sa endo bago o sa mismong Labor day sa May 1.
Ulat ni Vic Somintac