Pangulong Duterte , hindi poprotektahan ang mga opisyal ng gobyerno na pinasasampahan ng kaso kaugnay ng Pharmally deal – Malakanyang
Hindi poprotektahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal ng gobyerno na pinasasampahan ng kasong kriminal at administratibo ng senado kaugnay ng umanoy maanomalyang Pharmally deal para sa COVID-19 response.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Karlo Alexi Nograles na malinaw ang pahayag ni Pangulong Duterte sa mga nagdaang Talk to the People noong nakaraang taon na siya mismo ang naghamon sa Senate Blue Ribbon Committee na sampahan ng kaukulang kaso ang mga mapapatunayang sangkot sa anomalya.
Batay sa rekomendasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sinampahan ng kasong Plunder, paglabag sa Anti Graft and Corruption, Tax Evasion at Procurement Act sina Health Secretary Francisco Duque, dating Procurement Sevice Department of Budget and Management o PS DBM Officer in Charge Llyod Christopher Lao, PS DBM Director Rex Liong, Pharmally Officials na sina Lincoln Liong, Mohit Dargani, Twinkle Dargani, Krisel Grace Mago,Huang Tzu Yen at dating Presidential Economic Adviser Michael Yang.
Magugunitang ang imbestigasyon ng Senado sa isyu ng Pharmally deal ang dahilan ng pagkakaroon ng bangayan sa pagitan nina Pangulong Duterte at Senador Richard Gordon na Chairman ng Senate Blue Ribbon Committee.
Vic Somintac