Pork Producers, umapela kay PRRD na ipatigil ang price ceiling sa karneng manok at baboy
Umapela ang grupo ng mga pork producer kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipatigil ang umiiral na price ceiling sa bentahan ng baboy at manok sa Metro Manila.
Sa isang pulong balitaan sa Maynila, iginiit ni Nick briones, Presidente ng Agri sector alliance of the Philippines At Vice President ng Pork producer of the Philippines, na dapat ay magpatawag muna ng price summit ang Pangulo kasama ang lahat ng stakeholders para pag-usapan kung ano ba talaga ang ugat ng problema.
Giit ni Briones ang inilabas na price ceiling sa manok at baboy ay mas lalo lamang magdudulot ng problema sa halip na maging solusyon.
Tiyak kasi aniya na ang mga mamimili ay lilipat sa isda, gulay at baka.
Kapag nangyari ito ay mas tataas ang demand rito na tiyak na magtataasan din ang presyo.
Nanindigan din si Briones na walang nangyayaring monopolya o manipulasyon sa presyuhan ng mga karne ng baboy o manok.
Apela nila sa gobyerno mas higpitan ang pagbabantay laban sa mga smuggled na karne na isa sa nagpapahirap sa kanila bukod pa sa matinding epekto ng African Swine Fever (ASF).
Hiling nila na mapaglaanan ng mas malaking pondo ang ayuda para sa mga hog raiser na naapektuhan ng ASF.
Madz Moratillo