Pangulong Duterte, humingi ng paumanhin sa publiko matapos palawigin pa ang MECQ sa NCR plus
Humingi ng paumahin si Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko matapos magpasyang palawigin pa ng hanggang May 14 ang ipinatutupad na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa National Capital Region (NCR) Plus.
Kagabi sa kaniyang regular public address, ipinaliwanag ng Pangulo na ang pasya niyang i-extend ang MECQ ay batay na rin sa rekomendasyon ng mga Medical professional kabilang na si Health Secretary Francisco Duque III.
Ayon sa Pangulo, wala siyang magagawa kundi sundin at pakinggan ang kahilingang ito ng Medical group dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa bansa at okupado na ang halos lahat ng mga pagamutan.
“Mga kababayan ko, maghingi lang ako sa inyo ng paumanhin. I’m sorry that I have to impose a longer itong modified enhanced community. To my fellow countrymen, I want to apologize. I’m sorry that I have to impose a longer modified enhanced community quarantine“.
Kahapon, pumalo na sa kabuuang 1,020,495 ang Covid-19 cases sa bansa.
Muli ring nakiusap ang Pangulo sa publiko na ipagpatuloy ang mahigpit na pagsunod sa minimun public health standard upang maiwasan na ang pagkalat pa ng virus infection.