Pangulong Duterte inaming sinadyang magtago sa publiko ng 14 na araw
Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na sinadya niyang hindi magpakita ng personal sa publiko sa loob ng 14 na araw.
Ito ang inihayag ng Pangulo sa pagbabalik ng kanyang Weekly Talk to the People.
Ayon sa pangulo, kahit hindi siya nagpapakita sa publiko ay ginagampanan niya ang kanyang tungkulin.
Inihayag pa ng presidente na kung ipinakita ni Senador Bong Go sa kanyang post sa social media na siya ay naglalaro ng golf, sumakay sa motorsiklo at nag-jogging hindi naman lugi ang taong bayan dahil ginawa niya ito sa madaling araw na hindi office hours.
Hindi rin naiwasan ng pangulo na buweltahan si Sen. Leila de Lima sa pagpuna sa sinasabing kawalan nito ng tamang patakaran para maresolba ang pandemya na patuloy na lumaganap sa bansa.
Magugunitang dalawang linggong hinahanap ng mga kritiko ng administrasyon ang pangulo dahil hindi ito nagpakita sa publiko mula noong March 29.
Naghihinala ang mga ito na baka mayroon itong malubhang karamdaman at nagkaroon ng panawagan sa social media na hashtag “Nasaan ang Pangulo.”
Vic Somintac