Pangulong Duterte, inatasan ang FDA na kasuhan at ipakulong ang mga nagbebenta ng mga pekeng gamot
Mahigpit ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Food and Drug Administration o FDA na kasuhan at ipakulong ang mga nagbebenta ng mga pekeng gamot katulong ang Criminal Investigation and Detection Group o CIDG ng Philippine National Police o PNP at National Bureau of Investigation o NBI.
Ginawa ng Pangulo ang kautusan matapos i report ni Food and Drug Administration o FDA Officer in Charge Deputy Director General Oscar Gutierrez sa ginanap na regular weekly Talk to the People na mayroong 78 mga sari-sari stores ang napatunayang nagbebenta ng mga pekeng gamot na paglabag sa Pharmacy Law at FDA Act of 2009 ganun din sa Special Law of Counterfeit Drug.
Ayon sa Pangulo, dapat seryosohin ang kampanya ng pamahalaan laban sa mga nagbebenta ng pekeng gamot dahil lubha itong mapanganib sa kalusugan.
Inihayag ng Pangulo na kailangang makipagtulungan ang mga local government units o LGUS sa pamamagitan ng pagpapatibay ng ordinansa na nagbabawal sa mga sari-sari stores na magbenta ng anumang uri ng gamot at tanging mga lehitimong mga drug stores lamang ang papayagan na magbenta ng gamot.
Nais din ng Pangulo na imonitor din ng FDA ang mga online selling ng mga gamot para maiwasang mabiktima ang publiko sa pagbebenta ng mga pekeng gamot.
Vic Somintac