Pangulong Duterte, itinuro ni Sen. Trillanes na nag-utos na pahinain ang kaso laban sa mga pumatay kay Mayor Espinosa

Itinuro na ni Senador Antonio Trillanes si Pangulong Rodrigo Duterte na umano’y nag-utos kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre para pahinain ang kasong  murder laban kay Police Superintendent Marvin Marcos at labing-walong iba pang tauhan ng PNP CIDG sa Leyte.

Si Marcos ang isa sa mga pangunahing akusado sa pagpatay kay Albuera Leyte Mayor Rolando Espinosa.

Katunayan ayon kay Trillanes ang Pangulo ang nag-utos noon kay PNP Chief Ronald dela Rosa para ibalik sa pwesto ang grupo ni Marcos.

Nauna nang sinabi ni dela Rosa sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order na tinanggal niya sa pwesto si Marcos noong Oktubre.

Isa si Marcos sa mga tumatanggap ng drug money mula sa druglord na si Kerwin Espinosa kapalit ng proteksyon sa kanilang operasyon.

Pero tinawagan si dela Rosa ng Pangulo para ibalik sa pwesto si Marcos, isang buwan pagkatapos nitong na mare-instate.

Isinagawa aniya ng grupo ni Marcos ang pagpatay kay Mayor Espinosa habang nasa loob ng Baybay City Jail.

Kaya hindi na nagtataka si Trillanes kung pinapahina ng gobyerno ang kaso laban kay Marcos.

Samantala pinangalanan ni Trillanes ang isang Superintendent Edilberto Leonardo ng PNP na kaklase ni Marcos na umano’y namumuno ngayon sa Presidential Death Squad.

Si Leonardo ay malapit aniya sa anak ni Pangulong Duterte na si Paolo Duterte.

Binuo aniya ang Death Squad pagkatapos ng eleksyon para sa war on drugs ng administrasyon.

Well funded aniya ang operasyon ng grupo dahil sa donasyon ng mayayamang negosyante kasama pa ang intelligence fund ng Pangulo.

Ang source niya ang nagbigay ng impormasyon na mula sa mga Senior Commanders ng PNP.

Ulat ni: Mean Corvera

 

 

 

 

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *