Pangulong Duterte, lalahok sa APEC summit na pangungunahan ng bansang Malaysia
Tiniyak ng Malakanyang na sasali si Pangulong Rodrigo Duterte sa Asia Pacific Economic Cooperation o APEC Leaders Summit.
Ang APEC Summit ay pangungunahan ng Malaysia bilang host country na isasagawa sa November 20 ng taong kasalukuyan sa pamamagitan ng virtual meeting dahil sa pandemya ng Covid- 19.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na sasamantalahin ni Pangulong Duterte ang pagkakataon sa APEC Summit upang isulong ang interes ng Pilipinas sa economic recovery program dulot ng Covid- 19 Pandemic na puminsala sa kabuhayan ng mga bansa sa buong mundo.
Ayon kay Roque mahalagang agenda sa APEC Summit ang isyu kung papaano makokontrol ang pagkalat ng Covid- 19 upang makabangon ang ekonomiya lalo na sa rehiyon ng Asya Pasipiko sa pagpasok ng taong 2021.
Inihayag ni Roque lalong palalakasin ng Duterte administration ang economic relations ng Pilipinas sa ibang bansa para mapabilis ang pagbangon ng ekonomiya na pinadapa ng Covid-19 Pandemic.
Vic Somintac