Pangulong Duterte, maaari umanong pumili ng susunod na PNP Chief na hindi kasama sa shortlist
Posibleng hindi manggaling sa tatlong contenders sa Philippine National Police ang pipiliin ni Pangulong Duterte na susunod na hepe ng pambansang pulisya.
Ayon kay Senador Christopher Bong Go, ito ang posibleng dahilan kaya hanggang ngayon ay wala pang napipili ang Pangulo kapalit ng nagbitiw na si dating PNP Chief Oscar Albayalde.
Sinabi ng Senador na masusi ang ginagawang evaluation ngayon ng Pangulo.
Ikinukunsidera rin aniya nito sa posisyon ang mga lower ranking police officials maliban kina Police Lt. General Camilo Cascolan, Police Major General Guillermo Eleazar at Police Lt. General Archie Gamboa.
Bagamat magagaling at kwalipikado naman ang tatlong kandidato, nag-iingat aniya ang Pangulo.
Nais kasi nitong makatiyak na tapat ang itatalagang bagong pinuno ng PNP at hindi matutulad sa kaso ni Albayalde.
Senador Bong Go:
“Talagang pinag-iisipan niya ng malalim. Si Pangulo di pa nakakapili ibig sabihin pinag-iisipan niya ng maigi at malalim. Totoo ang sinabi ng Pangulo na even you are the goat of your class, ibig sabihin sa academics pinakamababa pero ang hinahanap niya ay honest. Alam mo sabi nga niya hirap maghanap ng honest dito sa Pilipinas”.
Si Albayalde ay nagbitiw sa puwesto halos isang buwan bago ang kaniyang pagreretiro noong November 8 matapos madawit sa kaso ng Ninja cops na inakusahang nagre-recycle ng shabu.
Ulat ni Meanne Corvera