Pangulong Duterte, magsisilbi lamang moderator kina Senate President Tito Sotto at Speaker Gloria Arroyo sa problema sa 2019 proposed National Budget
Wala umanong intensiyong diktahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga mambabatas ng dalawang kapulungan ng kongreso sa ipinatawag na dinner meeting sa Malalanyang.
Sa press briefing sa Malakanyang sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na magsisilbi lamang na moderator si Pangulong Duterte sa gagawing pag-uusap.
Ipinatawag ng Pangulo sina Senate President Tito Sotto kasama ang ilang senador at Speaker Gloria Macapagal kasama din ang ilang kongresista.
Ayon kay Panelo isa lamang naman ang layunin ng Pangulo ang maayos na ang pagkakaiba o ng mga senador at kongresista sa usapin ng 2019 national budget.
Inihayag ni Panelo handa si Pangulong Duterte na pakinggan ang magkabilang panig at pagkatapos nito ay inaasahang magbibigay ng kaniyang opinion ang Punong Ehekutibo.
Nauna ng nagbigay ng pahayag ang Pangulo na hindi niya pipirmahan ang anumang iligal na dokumento patungkol sa pambansang budget.
Ipinaabot na rin ng Pangulo sa dalawang kapulungan ng kongreso ang kanyang posisyon na mahirap at marami ang maaapektuhang proyekto ng gobyerno kapag ang reenacted budget ng 2018 ang patuloy na gagamitin hanggang sa susunod na apat na buwan.
Nag-ugat ang iringan ng Senado at Kongreso sa isyu ng re-alignment ng pondo ng ilang ahensiya ng gobyerno na nakapaloob sa 2019 National Budget.
Ulat ni Vic Somintac